BUTUAN CITY – Nagsasagawa ngayon ng medical mission sa Pag-asa Island sa bayan ng Kalayaan, lalawigan ng Palawan Sea ang Balangay team matapos ang ligtas nilang pagdaong kagabi habang sakay ng pinakamalaki at pinakamodernong balangay replica ng bans, ang Balangay FLORENTINO DAS.
Ang nasabing medical mission ay pangungunahan ni Dr. Ted Esguerra.
Ayon kay dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Art Valdez, challenging ang kanilang paglalayag sa West Philippine Sea dahil layunin nito na maipakita sa China na matagal ng naglalayag ang mga balangay boats ng bansa bago pa man nila angkinin ang iilang bahagi ng West Philippine Sea.
Umaabot sa halos 37-oras ang kanilang paglalayag matapos lisanin ang Fort Balangay sa bayan ng San Vicente, Palawan kungsaan sinabayan pa sila ng Chinese Coast Guard Ship 5204 sa distansyang halos 2-milya kasama pa ang anim na maliliit na mga bangka.
Sinasabing dalawang oras matapos nilang lisanin ang San Vicente, ay balik-balik silang nakatanggap ng tawag mula sa isang lalaking pinaniniwalaan nilang Intsik dahil sa gamit nitong ibang linggwahe.