Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na nakatakda na ang balasahan sa limang chiefs of police sa Metro Manila simula sa susunod na linggo.
Sinabi ni Albayalde na tatlo rito ay mula sa Southern Police District (SPD) habang ang iba ay mabibigyan ng promosyon.
Ayon sa heneral, kabilang sa mapo-promote dahil sa kanyang magandang performance ay ang chief of police ng San Juan City na si Senior Superintendent William Segun na mag-a-assume bilang susunod na bagong provincial director ng lalawigan ng Cavite.
Magreretiro naman sa serbisyo ang chief of police ng Marikina na si Senior Supt. Lorenzo Holanday.
Pahayag pa ni Albayalde, ang tatlo namang chief’s of police sa Southern Police District (SPD) ay hindi nagpakita ng magandang performance kaya inaasahang mare-relieve sa kanilang puwesto.
Si Segun ay hindi na rin bago sa Cavite dahil dati na itong naging hepe noon ng Tagaytay City police.
Humawak na rin si Segun ng ilang kritikal na posisyon sa Special Action Force (SAF), PNP headquarters sa Camp Crame, kabilang na ang chief ng Administrative and Resource Management Division, Civil Security Group, pagdalo sa Aseanapol conferences at iba pa.
Si Col. Segun ay isang law graduate, engineer at naging bahagi ng PNP United Nations (UN) Peacekeeping Force sa bansang Kosovo.