Nakatakdang magpatupad ng balasahan sa halos 40 tauhan ng Quezon City Police District ang Acting District Director nito na si PBGEN Redrico Maranan.
Ito ay bilang pagtalima sa kautusan ni Philippine National Police chief PGEN Benjamin Acorda Jr. na ilipat ng destino ang mga pulis na mayroong koneksyon at kamag-anak na mga kandidatong tatakbo sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre.
Ayon kay PBGEN Maranan, aabot sa 39 na mga tauhan ng QCPD na kanilang natuoy na mayroong kamag-anak na kandidato ang pansamantala munang ililipat ng assignment malayo sa Quezon City.
Kaugnay nito ay sinabi rin ng heneral na naisumite na rin nila sa liderato ng PNP ang listahan ng mga pulis na ire-reassign nito bago ang naturang halalan.
Layunin nito na matiyak na hindi magkakaroon ng vested interest at pagkakasangkot ang sinumang tauhan ng Pambansang Pulisya sa partisanship na may kaugnayan sa BSKE.
Samantala, kaugnay nito ay inanunsyo rin ni Maranan na aabot sa 900 mga pulis mula sa QCPD ang target nitong ideploy sa darating na BSKE upang tumutok sa mga election related areas sa lungsod kabilang na ang mga polling precints, NPO, at mga tanggapan ng Comelec sa anim na distrito sa QC.