Ilang araw matapos maluklok bilang bagong hepe ng Pambansang Pulisya ay sinimulan na ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. na suriin ang performance ng mga key officials ng organisasyon.
Ayon kay PNP-Public Information Office chief PCol Redrico Maranan, ito ay sa kadahilanang nais tingnan ni Gen Acorda ang mga statistics accomplishments ng mga commander ng PNP bago siya magdesisyon hinggil sa panibagong balasahan sa mga opisyal ng Pambansang Pulisya.
Ito kasi aniya ang magiging batayan ng PNP chief kung kinakailangan ba na magpatupad ng panibagong rigodon sa mga opisyal nito o hindi na.
Kasabay ng paniniguro na ang mga susunod na police officers na mapopromote sa kanilang serbisyo ay malinis mula sa pagkakasangkot sa mga ilegal na gawain, partikular na sa operasyon ng ilegal na droga.
Ngunit nilinaw niya na sa ngayon ay wala pang isinasagawang major reshuffle sa buong hanay ng kapulisan at kung magkakaroon man aniya ay dahil ito sa napipintong pagreretiro sa serbisyo ng karamihan sa mga senior officials ng PNP.
Kinakailangan kasi aniyang agad na mapunan ang mga mababakanteng posisyon lalo pa’t karamihan sa mga third level officers ng Pambansang Pulisya ay nakatakda nang magretiro ngayong taon.