Inanunsyo ni Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez na aprubado na ang mga pagbabago sa organizational setup ng PSC sa isang executive meeting.
Aksyon ito ng PSC matapos ang nangyaring iskandalo na kinasangkutan ng isa nilang empleyado kung saan ninakaw umano nito ang nasa P14.4-milyong pondo ng mga atleta at mga coaches.
Ayon kay Ramirez, ito raw ang napagkasunduan ng lupon na bahagi ng plano para muling ayusin ang kanilang organisasyon.
Kasama sa rigodon ang pagkakatalaga kay Atty. Guillermo Iroy, Jr. bilang acting Executive Director kapalit ni Merlita Ibay, na babalik naman sa kanyang posisyon bilang Deputy Executive Director for Finance and Administrative Services.
Habang si Queenie Evangelista naman ang itinalagang head ng Bureau of Coordinating Secretariat and Support Services bilang Acting Deputy Executive Director.
Samantala, inamin ni Ramirez na may mga pagkukulang rin ang kanilang ahensya pero nangako ito na kanilang iimbestigahan ang pangyayari at itatama ang mga pagkakamali.
“As the highest accountable official of the agency, I take responsibility to effect changes, to make sure that there are no gaps in the organization. I feel sad, frustrated, and hurt but we all have to have composure,” ani Ramirez.
Sa ngayon, hiniling na ng PSC ang tulong ng National Bureau of Investigation, Department of Justice at ng the Office of the Solicitor General para siyasatin ang kaso.
Ang iba pang mga pagbabago sa liderato ng ahensya ay nakatakda ring ipatupad anumang araw ngayong linggo.