Handa umano si Ateneo coach Tab Baldwin sa anumang kaparusahan na ipapataw sa kanya ng PBA kasunod ng mga kontrobersiyal na komento nito kaugnay sa liga.
Kasunod ito ng paghingi ng paumanhin ni Baldwin sa pagharap nito kay PBA commissioner Willie Marcial sa pamamagitan ng video conference kahapon.
Ayon kay Baldwin, hindi nito intensiyon na makalikha ng kontrobersiya mula sa binitawan nitong mga pahayag sa PBA.
“I feel bad that has happened and that is not my intention,” wika ni Baldwin.
Sinabi pa ng foreign coach, nagulat na lamang daw siya na nag-iba na ang kahulugan ng kanyang mga komento sa mga nakarinig.
Matatandaang umani ng negatibong reaksyon mula sa mga coaches ng PBA maging mga miyembro ng Basketball Coaches Association of the Philippines ang mga binitawang komento ni Baldwin.
Naniniwala rin ang PBA na malaking kasiraan umano sa liga ang naging pahayag ng kasalukuyang Gilas program director.
Kaugnay nito, nakatakda namang ilabas ngayong araw ng PBA ang magiging kaparusahan na ipapataw sa coach.
Una nang sinabi ni Marcial na posibleng multa o suspensiyon o parehong parusa ang ipapataw ng liga kay Baldwin.