-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Wala nang naitalang karagdagang pinsala ang mga otoridad sa Baler Aurora matapos na yanigin ng magnitude 5.1 na lindol dakong alas diyes ng umaga nitong Sabado.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ferdinand Rosita, chief of Police ng Baler Police Station, sinabi niya na maraming mga residente ang naglabasan mula sa kanilang mga tahanan dahil sa takot sa kasagsagan ng pagyanig.

Aniya, bagamat nakapagtala sila ng minor damage o mga bitak sa pader at sahig ng ilang mga groserya sa nasabing bayan ay wala na silang naitalang major damages sa imprastraktura at wala ring naitalang nasaktan sa nasabing pagyanig.

Hindi naman nagtaas ng Tsunami Alert ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) matapos ang malakas na lindol.

Matatandaang naramdaman din ang pagyanig sa ilang bahagi ng Lalawigan ng Cagayan, Isabela at kalakhang Maynila.