CEBU CITY – Nagbabala ang alkalde ng Balete, Batangas sa kanyang mga kababayan na huwag munang bumalik sa kani-kanilang tirahan dahil mayroong peligro pa ring dala ang pag-alburoto ng Taal Volcano.
Ito’y matapos na natabunan ng makapal na ashfall ang ilang barangay makaraang na sumabog ang nasabing bulkan noong araw ng Linggo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Balete Mayor Wilson Maralit, sinabi nito na ininspeksyon niya ang lugar upang malaman ang kalagayan nito.
Ayon kay Maralit, maraming hayop ang namatay at nalalanta naman ang mga taniman matapos itong matabunan ng volcanic ash.
Dagdag pa nito na halos na-wash out na ang ilang barangay dala ng pagputok ng bulkang Taal.
Dahil dito, ipinaalam niya sa kanyang mga kababayan na wala na silang babalikang mga tirahan dahil sa ashfall.
Batay sa report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council , tinatayang mahigit 3,000 residente ang apektado sa pag-alburoto ng bulkan at nasa 12 evacuation centers pansamantalang nanunuluyan.