-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Bilang pasasalamat sa kanilang ika-5 taong anibersaryo, namahagi ng regalo sa mga miyembro nito ang Balik Pangatap Program ng City Government ng Kidapawan.

Mismong si Balik Pangarap Program City Coordinator Joel Aguirre ang nanguna sa pagbisita at pamimigay ng regalo sa mga Persons Who Used Drugs (PWUD) na naninirahan sa lungsod.

Aabot sa 62 na mga PWUD na kabilang sa Balik Pangarap Program ang nakatanggap ng tig-apat na kilong bigas, tig-anim na canned goods, alcohol at alcohol dispense, mug, at isang box ng face mask.

Kabilang naman ang mga barangay ng Poblacion, Magsaysay, Singao, Balindog, at Lanao sa tinungo ni Aguirre kasama ang kanyang team kasabay ang paalala sa mga PWUD na magtuloy-tuloy na sa pagbabago at maging produktibong miyembro ng komunidad.

Noong Hulyo 22, 2016 nang maitatag ang Balik Pangarap sa lungsod sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na naglalayong hikayatin ang mga gumagamit ng droga na tigilan na ito at magbagong-buhay.

Abot naman sa 400 indibidwal ang lumahok sa Balik Pangarap sa naturang pagkakataon at nagpahayag ng kagustuhang magbagong buhay kung kaya’t lumahok sa programa.

Naging posible ito sa pakikipagtulungan ng mga concerned government agencies na naglaan ng pondo para sa rehabilitation, health, skills and livelihood trainings,at iba pang programa para sa mga recovering drug personalities upang tuluyang wakasan ang kanilang problema sa drug addiction.

Mula noon ay nagtuloy-tuloy na rin ang naturang programa sa paghikayat sa mga gumagamit ng iligal na droga na tumigil na at tanggapin ang mga alok na programa ng city government.

Binigyang diin din ni Aguirre na ang masinsinan at makatotohanang implementasyon ng BALIK PANGARAP Program ang naging susi sa pagbabalik ng maraming drug addict sa kanilang pamilya at sa buong komunidad.

Kaugnay nito, pinasalamatan niya ang City Government of Kidapawan sa patuloy nitong suporta sa mga layunin ng BALIK PANGARAP at sa seryosong pagpapatupad ng mga proyektong laan sa mga PWUD na nakabase sa Lungsod ng Kidapawan.