BACOLOD CITY – Pagbabalik serbisyo pa rin ang nais ng Department of Foreign Affairs (DFA) repatriation team matapos ang 14 days na pag-quarantine sa kanila sa Capas, Tarlac kasama ng 30 overseas Filipino workers (OFW) mula sa Wuhan, China.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Richard delos Santos ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) at kasalukuyan ding nasa quarantine area sa Tarlac, sinabi niyang mabuti ang kanilang kalagayan sa quarantine facility habang hinihintay ang 14 days kung saan balik serbisyo sila sa DFA office.
Dagdag pa ni Delos Santos na ginawa lamang nila ang kanilang trabaho sa pangunguna ni Usec. Sarah Arriola para maiuwi ng ligtas ang mga OFWs sa Wuhan City.
Saludo naman ang mga kasamahan nila sa DFA at pinangalan silang “Courageous 3” kasama sina Rowell Casaclang, at Abdul Rahman Pacasum pero giit ni Delos Santos na mas mabigat ang ginampanan nina Mark Anthony Geguera at Sanny Darren Bejarin ng Philippine Consulate General office sa Shanghai kung saan pumunta mismo ang mga ito sa Wuhan para sunduin ang mga kababayan.
”Heto na nga at magkakasama kami sa quarantine facility, we’re all okay. Actually we went 24/7 sa preparations pa lang para sa mission na ito. So, to them dapat we should give the a big round of applause sa ginawang efforts nila.”
Bago pa man bumalik sa serbisyo ay balak ni Delos Santos na madaliang mayakap muna ng mahigpit ang walong taong gulang na anak dahil bilang single parent ay napakahirap aniyang mawalay dito.
Pinagmamalaki din ni Delos Santos ang pagtutulongan nila kasama ng DOH at Royal Air Philippines team kung saan naging matagumpay ang kanilang mission.