Hindi matitinag ng presensya ng mga barko ng China sa West Philippine Sea ang ikinasang Balikatan Exercises ng Pilipinas at Estados Unidos ngayong taong 2024.
Ito ang binigyang-diin ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela kasunod ng namataang mga barkong pandigma ng China Navy sa bahagi ng WPS sa kasagsagan ng ikinakasang Multilateral Maritime Exercises ng Pilipinas, Amerika, at Pransya sa naturang lugar.
Ayon kay Tarriela, nagpapapansin lamang ang China kaya sila nagpadala ng mga barko sa nasabing lugar upang ipabatid din ang kanilang presensya, ngunit gayunpaman ay hindi pa rin aniya it ititigil ng Pilipinas kasama ang ating mga kaalyadong bansa ang naturang pagsasanay at hindi papansinin ang mga barko ng China.
Kung maaalala, una nang napaulat na nadagdagan ang bilang mga barko ng China sa WPS kasabay ng pagsisimula ng joint military exercises ng Pilipnas kasama ang Estados Unidos at iba pa nating mga kaalyadong bansa.
Habang nitong Abril 28, 2024 naman ay iniulat ni AFP Western Command Spokesperson Captain Ariel Coloma na mayroong Chinese navy ship ang namataan sa layong 7 to 8 nautical miles mula sa mga barko ng Pilipinas at Estados Unidos sa kasagsagan ng ginagawa nitong pagsasagawa sa hilagang bahagi ng Palawan.