Sesentro sa cyber defense exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ang gaganaping Balikatan Exercises 2024.
Ayon kay Balikatan executive agent Col. Michael Logico, bahagi ito ng mas pinalawak pa na joint military exercises ng Pilipinas at Amerika na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagprotekta sa cyber domain ng bansa.
Kasabay nito ay ipinunto rin ng opisyal na sa ngayon ay naka-rely ang technology at weapon system ng ating bansa sa cyber domain.
Dahilan kung bakit mahalaga aniyang bigyan ng patas na importansya ng militar ang parehong physical at non-physical domain sa gaganaping pagsasanay.
Bukod dito ay ipinunto rin ni Logico na pinaghahandaan din ng kasundaluhan ang mga aktibidad ng China sa cyberspace bilang pagprotekta na rin sa national security ng Pilipinas.
Samantala, sa Abril 22 hanggang Mayo 10, 2024 isasagawa ng Balikatan Exercises 2024 na inaasahang magiging pinakamalaking joint bilateral exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos kasama ang iba pang mga kaalyadong bansa at maging ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Report by Bombo Marlene Padiernos