Kinumpirma ng Department of Tourism (DOT) ang hindi pagsasailalim sa hotel quarantine ng isang balikbayan mula sa Estados Unidos na nagawa pa umanong dumalo sa isang party sa Makati.
Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na nagawang lumiban nito sa mandatoryong limang araw na quarantine dahil sa mga koneksyon nito.
Aniya, nagpositibo ito sa COVID-19 sa ika-limang araw na pananatili nito sa bansa at kalaunan ay maging ang mga nakasama nito sa party ay nagkasakit din.
Ayon sa kalihim, nakarating ito sa kanilang kagawaran matapos na makatanggap sila ng mga ebidensya tulad ng mga pictures at videos na nagpapakita na dumalo nga ito sa isang party at hindi ito naka-quarantine.
Inamin naman aniya ng nasabing balikbayan ang kanyang pag-alis sa quarantine hotel.
Samantala, sa ngayon ay nagpapatuloy naman ang isinasagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng indibidwal at mahaharap din sa kaukulang charges ang hotel na nagpahintulot dito na hindi na sumailalim sa quarantine period.