NAGA CITY – Pinabulaanan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang umano’y mga paratang na nais nilang patalsikin si Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones at si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang mga posisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Benjamin Valbuena, Secretary General ng ACT-national, sinabi nitong walang katotohanan ang naturang mga paratang dahil hindi pa naman aniya sila nagpapalabas ng pormal na pahayag patungkol sa naturang isyu.
Aniya, ibinunyag lamang nila kung ano ang kalagayan ng mga paaralan lalo na ang mga pagkukulang at problema sa mga pasilidad at mga guro.
Binigyan diin ni Valbuena na “fake news” at mga paninira lamang sa kanilang organisasyon ang mga naglalabasang balita tungkol sa pagpapatalsik sa naturang mga opisyal.
Ngunit sa kabila nito, kinumpirma rin ni Valbuena na posible rin aniyang makaabot sila sa naturang desisyon sakaling hindi tugunan ng DepEd ang mga problema na naglalabasan sa iba’t ibang lugar sa bansa.