Pinabulaanan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang usap-usapang isasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila.
Tugon ito ni Lorenzana sa pekeng dokumento na nanggaling umano sa PNP na kumakalat sa social media na nagsasabing ibabalik sa mas mahigpit na community quarantine ang National Capital Region.
Pero sinabi ng kalihim, gaya ng naunang anunsyo ng Pangulong Rodrigo Duterte, mananatili ang Metro Manila sa General Community Quarantine hanggang sa katapusan ng taon.
“As the President had earlier announced, Metro Manila shall remain under General Community Quarantine until the end of the year. Neither the IATF nor the mayors of Metro Manila recommended any shift in the quarantine status in this period,” saad ni Lorenzana sa isang pahayag.
Itinanggi rin ni Joint Task Force COVID Shield commander PLt. Gen. Cesar Hawthorne Binag ang mga kumakalat na maling impormasyon.
Ayon kay Binag, tanging ang Inter-Agency Task Force lamang ang maaaring maglabas ng risk classification.
Samantala, sinabi ni Lorenzana na stable raw ang sitwasyon ngayon kaya hindi na kailangan pang ibalik sa MECQ ang Kalakhang Maynila.
“[W]e appeal for the public’s cooperation in observing the health protocols we have in place, such as wearing of masks and face shields in public, washing of hands and practicing social distancing,” anang kalihim.
“Let us avoid going to crowded places and holding social gatherings in the meantime to help prevent a possible surge in cases during this holiday season,” dagdag nito.