BAGUIO CITY – Itinanggi ng lokal na pamahalaan ng Bauko, Mountain Province ang balitang maraming produktong gulay ng mga magsasaka doon ang nasisira dahil sa masyadong mahigpit na monitoring sa mga cargo trucks sa checkpoints sa naturang bayan kasabay ng enhanced community quarantine.
Iginiit ni Mayor Abrahaham Akilit na hindi naaantala ang pagbiyahe ng mga cargo trucks na naglalaman sa mga gulay na produkto ng bayan na ibenebenta sa labas ng Mountain Province.
Ipinagmalaki niya na sa halip ay mas maayos na ang pagbiyahe sa mga gulay mula Bauko sa pamamagitan ng Direct Connect program ng Department of Agriculture – Cordillera.
Binanggit pa ng alkalde ang pagpapahintulot ni DA-Cordillera Regional Executive Director Cameron Odsey sa paggamit sa mga trucks ng ahensiya sa pag-deliver sa mga gulay mula sa mga ordinaryong magsasaka.
Batay sa report ng isang online news website, tone-toneladang gulay sa Mountain Province at iba pang bahagi ng Cordillera Administraive Region ang nasisira dahil sa masyadong istriktong implementasiyon ng ECQ, bagay na itinanggi ni Mayor Akilit.