Mariing kinondena ng western allies ng Ukraine ang inilunsad na dalawang ballistic missile attack ng Russia sa siyudad ng Sumy sa Ukraine na kumitil ng 34 katao.
Kabilang sa mga napatay ay 2 bata at nasugatan ang 117 iba pa.
Tumama ang 2 ballistic missiles ng Russia sa sentro ng Sumy umaga nitong Linggo, Abril 13 na sumabog malapit sa state university at congress centre, na nag-iwan ng mga duguang katawan na nagkalat sa mga lansangan.
Tinawag naman ni US Secretary of State Marco Rubio ang pag-atake ng Russia bilang “horrifying” at nagpaabot ng pakikiramay sa mahal sa buhay ng mga biktima at sinabing isang tragic reminder ang naturang pag-atake kung kayat puspusan ang inilalaang oras at pagsisikap ng Trump administration para mawaksan na ang giyera.
Habang inakusahan naman ni incoming Germany chancellor Friedrich Merz ang Russia ng pagsasagawa ng war crime.
Inakusahan din ni French President Emmanuel Macron ang Russia ng lantarang pagbalewala sa buhay ng tao, sa international law at diplomatic efforts ni US President Donald Trump. Kailangan aniya ng isang malakas na hakbang para maipatupad ang ceasefire sa Russia kayat tinatrabaho na aniya ito ng France para makamit ang naturang layunin kasama ang mga partner na bansa.
Ginawa ng Russia ang pag-atake sa gitna ng pagsusulong ng Amerika, na pinakamalakas na military ally ng Ukraine, para mawaksan na ang giyera na nasa ikaapat na taon na, sa pamamagitan ng pakikipag-negosasyon sa Russia at Ukraine sa ilalim ni Trump.