-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakatakda na umanong matapos sa April 10 ang pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin para sa May 13 midterm elections.

Ito ay 15 araw na mas maaga kaysa sa naunang target ng Commission on Elections (COMELEC) na April 25 na matatapos ang paglilimbag sa lahat ng balotang gagamitin sa buong bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay COMELEC spokesman James Jimenez, nasabi nito na mabilis ang paglilimbag ng mga balota kaya umabot na sa 30 percent ang natapos nila.

Aniya, mahigit sa isang milyon ang araw-araw na naililimbag ng mga printing machines na kanilang ginagamit.

Dagdag nito na sa darating na weekend ay madadagdagan pa ng isa ang printing machine na kanilang gagamitin kaya asahan na mas marami pang balota ang maililimbag sa loob ng isang araw.

Inamin naman ng opisyal na sa ngayon ay mayroong mga pagkakataon na maaaring maantala ang paglilimbag ng balota kagaya na lamang ng miscutting o machine breakdown.

Gayunman, hindi pa naman daw nila ito nararanasan na siyang ipinagpapasalamat ng poll body.