All set na ang Commission on Elections (Comelec) sa pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa 2022 national at local elections.
Sa isang forum na inorganisa ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel), sinabi ni Comelec Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elnas Jr na isasagawa ang pag-imprenta ng balota mula Enero 12 hanggang Abril 25.
Ang mga naimprentang balota ay ilalagay naman sa isang bodega sa Pasig City.
Kabuuang 65,310,985 ang kailangang iimprentang balota para sa mga botante.
Nasa 899,122 ang bagong registrants habang 171,754 naman ang na-reactivate at 22 ang na-reinstate.
Ang mga nagparehistrong persons deprived of liberty (PDLs) ay nasa kabuuang 46,640 at Indeginous Peoples (IPs) ay 12,272.
Habang ang emergency accessible polling place naman ay nasa 2,424.
Iniulat din ni Elnas na halos tapos na ang pagsasaayos sa mga vote counting machine (VCM).
Mula sa mahigit 97,000 na VCM, mahigit 76,00 na ang na-repair at itinuturing na good at 334 naman ang quarantined.
Samantala, mayroon namang training para sa mga personnel na ide-deploy sa halalan.
Para sa mga trainers, sisimulan ito sa December 8 at magtatapos sa Disyembre 16, ang mga Department of Science and Technology (DOST) certifiers December 17 habang ang field personnel ay sa Disyembre 18 hanggang 20, 2021.
May isasagawang isa pang mock elections ang Comelec sa Disyembre 29, 2021.