-- Advertisements --

Sinimulan na dakong alas-7:00 kagabi ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta sa mga balotang gagamitin sa local absentee voting (LAV).

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, nasa 60,000 na balota ang kanilang iiimprenta sa National Printing Office (NPO).

Ang local absentee voting ballots ay manual ballots.

Una rito sinabi ng poll body na nasa 67 million official ballots na gagamitin sa 2022 national at local elections ang nakatakdang iimprenta ng NPO.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Dir. Helen Aguila-Flores, Vice Chairperson of the Printing Committee, mahigit 67 million ang mga balotang iiimprenta ng NPO para sa May 9 elections.

Sa isinagawang virtual walkthrough na may kaugnayan sa ballot printing, sinabi ng Comelec na mayroong anim na units ng mga makinang gagamitin para sa printing ng kabuuang 67,442,714 na balota.

Kinabibilangan ito ng 1,697,202 na balota para sa overseas voting at 65,745,512 para naman sa local voting.

Sinabi ng Comelec na ang naturang balota ay naglalaman ng security features gaya ng QR codes, security at timing marks maging ng invisible ultraviolet authentication marks.

Ang mga security features ay para na rin masiguro na ang mga lehitimong balota lmaang ang magagamit sa halalan.

Ang mga official ballots ay lalagyan din ng stamp na mayroong serial numbers na dadaan sa verification process.

Ang lahat daw ng balota ay ibeberipika visually at susubukan ding ipasok sa vote counting machines (VCMs).

Matapos ang verification process, sasailalim din ito sa quality assurance at ie-evaluate ang physical appearance ng balota.

Ang proseso ay gagawin para siguruhing ang margin allowance ay tama at ang security marks ay naimprentang maayos sa papel.

Ang mga balotang hindi papasa sa quality assurance process ay maka-quarantine at ie-evaluate dahil posibleng puwede pang magamit ang mga ito.

Kapag na-evaluate na nang maayos ang mga balota, ay ipapasa naman ito sa shipping and packing committee.

Ito raw ay very “critical” step dahil kailangang mapunta ang mga balota sa tamang mga presinto.

Samantala, sa memorandum of agreement sa pagitan ng Comelec at NPO, ang budget para sa printing ng mga balota ay papalo sa P1.3 billion.