-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Pinalibing na lamang ng Glan, Sarangani-local government unit (LGU), ang sperm whale na napadpad sa Gumasa Glan.

Ito’y matapos nakita ang patay na balyena sa white sand na dinarayo ng mga turista.

Ayon kay Barangay Gumasa Kagawad Lito Abayon, nasa lima hanggang pitong tonelada ang bigat ng nasabing balyena.

Kagabi, nagdesisyon ang LGU na ipalibing ito malayo sa dalampasigan sa presensya ni Engr. Arvin Lara na siyang Municipal Environment and Natural Resource Office ng Glan, at Marine biologist na si Darrell Blatchley.

Posible umanong nalason ang balyena matapos makunan ng plastic cup at mga mata ng squid ang kanyang large intestine, maliban pa rito ang maliit na sugat sa nguso.

Hindi rin nagawang makuha ang lahat ng karne ng balyena dahil masyado raw makapal ang kanyang balat na nasa anim na pulgada kaya inilibing na lamang, at muling huhukayin para makuha ang mga buto nito sa buwan ng Hunyo o Hulyo.

Sinasabi rin na dahil sa bigat ng naturang mammal, gumamit pa ng excavator at pay loader para tuluyang madala sa hukay.

Ayon daw sa isang American biologist, anim pa lamang sa bansa ang specie ng balyena na nakitang patay sa Sarangani bay.