Sinampahan ng reklamong graft o katiwalian si Bamban Mayor Alice Guo kaugnay sa pagkakasangkot nito sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kaniyang lokalidad.
Ayon kay DILG Undersecretary Juan Victor Llamas, kasama ang Office of the Ombudsman sa naghain ng naturang reklamo laban sa alkalde noong Mayo 24.
Nag-ugat ito sa pag-isyu ng alkalde ng permit sa Hongsheng Gaming Technology Inc. sa kabila pa ng kabiguan ng kompaniya na makumpleto ang requirements at kahit na nagpaso na ang lisensiya nito mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Sa halip, ayon kay USec. Llamas, dapat ni-revoke ni Mayor Guo ang business permit ng Hongsheng.
Naniniwala naman ang DILG na malakas ang kaso para sa preventive suspension ng alkalde na kasalukuyang kinukwestyon din ngayon ang nasyonalidad at sinasabing konektado sa mga operasyon ng POGO.
Ito ay matapos na i-raid ng mga awtoridad ang 10 ektaryang lugar na inooperate ng Zun Yuan Technology Inc. noong Marso 13 kung saan nadiskubre ang napakarami at iba’t ibang klase ng cellphone na iniuugnay sa operasyon ng POGO.
Mayroon ding mahigit 600 Pilipino at banyaga ang nasagip sa ikinasang raid.
Una na ring ni-raid ang naturang complex noong 2023 na inooperate noon ng Hongsheng Technology Inc. na iniuugnay kay Mayor Guo matapos na mag-apply ito ng letter of no objection para sa license to operate ng naturang complex.
Nabunyag din na si Mayor Guo ay incorporator ng Baofu Land Development Inc., na nagmamay-ari ng lupa kung saan nakatayo ang naturang complex na mayroong 36 na gusali, swimming pools at mamahaling mga sasakyan.
Sa panig naman ni Mayor Guo, una na niyang itinanggi ang pagkakadawit niya sa mga operasyon ng POGO hub sa kaniyang bayan.
Bagamat inamin ng alkalde na incorporator siya ng Baofu, nag-divest na umano siya mula sa kompaniya bago pa ito tumakbo sa pagka-Alkalde noong 2022 elections.