-- Advertisements --

Sinuspendi ng Office of the Ombudsman si Bamban Mayor Alice Guo at 2 iba pa ng hanggang 6 na buwan.

Sa 9 na pahinang kautusan, sinabi ng Ombudsman na mataas ang posibilidad na maimpluwensiyahan ng respondents ang mga testigo o ma-tamper ang anumang ebidensiya sa kaso dahil sa kapangyarihan at awtoridad na mayroon ang mga respondent.

Ang hakbang na ito ng Ombudsman ay kasunod ng inihain nitong reklamong katiwalian kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa alkalde noong Mayo 24 kaugnay sa pagkakasangkot ng opisyal sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kaniyang lokalidad noong Marso 13 na inooperate ng Zun Yuan Technology Inc. kung saan nadiskubre ang napakarami at iba’t ibang klase ng cellphone na iniuugnay sa operasyon ng POGO. Mayroon ding mahigit 600 Pilipino at banyaga ang nasagip sa ikinasang raid.

Una na ring ni-raid ang naturang complex noong 2023 na inooperate noon ng Hongsheng Technology Inc. na iniuugnay kay Mayor Guo matapos na mag-apply ito ng letter of no objection para sa license to operate ng naturang complex.

Inisyuhan pa rin ng permit ang Hongsheng kahit pa nabigo ang kompaniya na makumpleto ang requirements at nagpaso na ang lisensiya nito mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Nabunyag din na si Mayor Guo ay incorporator ng Baofu Land Development Inc., na nagmamay-ari ng lupa kung saan nakatayo ang naturang complex na mayroong 36 na gusali, swimming pools at mamahaling mga sasakyan.

Sa panig naman ni Mayor Guo, una na niyang itinanggi ang pagkakadawit niya sa mga operasyon ng POGO hub sa kaniyang bayan. Bagamat inamin ng alkalde na incorporator siya ng Baofu, nag-divest na umano siya mula sa kompaniya bago pa ito tumakbo sa pagka-Alkalde noong 2022