-- Advertisements --

Posibleng ibalik ang Chinese identity ni suspended Bamban Mayor Alice Guo at kaniyang pamilya sakali mang mapatunayang mula sila sa China.

Ito ang nilinaw ni Eliezer Ambatali, isa sa mga director ng legal service ng Philippine Statistics Authority (PSA) matapos irekomenda ng ahensiya na kaselahin ang birth certificate ng suspendidong alkalde dahil sa nakitang mga butas o pagkakaiba sa kaniyang birth certificate.

Gayundin nadiskubre na hindi magkakatugma ang mga detalyeng nakalagay sa birth certificate ng 3 kapatid ni Mayor Guo kabilang ang petsa ng kasal ng kanilang magulang.

Sa ngayon, hindi din batid sa ngayon kung may hawak na dokumentasyon ang alkalde at kaniyang pamilya na sila ay Chinese.

Sakali man aniya na walang katibayan na sila ay nagmula sa China at makansela ang kanilang birth certificate, sinabi ng PSA official na maiuuri bilang “floating” ang citizenship ni Guo at kaniyang pamilya.

Matatandaan na naungkat ang kwestyonableng pagkatao ng alkalde ng madawit ang kaniyang pangalan sa imbestigasyon sa ni-raid noong Marso na POGO hub na Zun Yuan Technology sa kaniyang pinamumunuang bayan at lumitaw din ang alegasyon na posibleng spy ito ng China.