Inanunsyo ni Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino ang kanyang intensyon na muli itong tatakbo bilang presidente ng Philippine Olympic Committee (POC).
Noong Agosto 2019 nang maihalal sa special elections si Tolentino matapos na magbitiw si dating POC president Ricky Vargas.
Ang mambabatas ang kumumpleto sa nalalabing termino ni Vargas, kasama na ang pangangasiwa sa kampanya ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games.
Sa pagharap ni Tolentino sa virtual briefing ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum, sinabi nito na hindi naman daw full-term ang kanyang tinakbuhan ilang taon na ang nakalilipas.
“‘Di ako nangangampanya, (but) yes I will run (for) a complete term,” wika ni Tolentino. “Hindi naman complete ‘yung nakaraan, pero kahit hindi complete ‘yun, nakita niyo naman ang — hindi sa nagbubuhat ng bangko — ang nagawa natin. Much more siguro kung complete term.”
Maliban dito, sinabi ng mambabatas na si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio ang kanyang magiging first vice president.
Habang ang kanya namang second vice president ay si Ormoc City Mayor Richard Gomez na pinuno ng fencing at modern pentathlon federation ng bansa.
Kumpiyansa si Tolentino na ikokonsidera ng voting members ang kanyang kontribusyon sa Philippine sports nitong nakalipas na taon.
“Siguro, merong kaunting mag-iisip naman na sila, may nagawa ba akong hindi maganda? Meron ba akong naitulong sa sports? Meron ba akong naitulong sa atleta? Sa national athletes, sa national coaches?” ani Tolentino.
“After how many years, nailagay ba ulit ang Pilipinas sa No. 1, overall champion (sa SEA Games),” dagdag nito. “With that siguro naman, sa sports community, and all na ang tanong, may nai-contribute ba ako? It’s them to find out kung anong sagot po doon.”
Sa Setyembre 30 ay magsasagawa ang POC ng general assembly, at ang filing ng kandidatura ay itinakda sa Oktubre 1 hanggang 30.
Ang campaign period ay magsisimula sa Nobyembre 1, habang ang eleksyon ay naka-schedule sa Nobyembre 27.