Muling naihalal bilang presidente ng Philippine Olympic Committee (POC) si Cavite Rep. Abraham Tolentino makaraang manalo sa eleksyon.
Tinalo ni Tolentino si World Archery Philippines chief Clint Arañas sa bilang na 30-22.
Si Stephen Hontiveros naman ng Philippine Bowling Federation ang uupong muli bilang POC chairman nang magapi nito si Tom Carrasco ng Triathlon Association of the Philippines sa bilang na 28-25.
Samantala, magsisilbi namang POC first vice president si Al Panlilio ng Samahang Basketbol ng Pilipinas makaraang makamit ang 30 boto laban kay Athletics chief Philip Juico habang si Richard Gomez naman ang bilang second vice president.
Si Chito Loyzaga ng baseball ang inihalal na auditor, habang treasurer si Cynthia Carrion ng gymnastics.
Kabilang sa iniluklok na executive board members sina David Carter (judo), Charlie Ho (netball), Pearl Managuelod (muay thai), at Raul Canlas (surfing).
Mag-uumpisa ang kanilang apat na taong termino sa Enero 1.