LEGAZPI CITY – Inaasahang dudumugin ng maraming tao ang pagbubukas ng Ibalong Festival 2019 sa lungsod ng Legazpi ngayong Agosto 16.
Sinabi ni Legazpi City Mayor Noel Rosal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tinatayang nasa 10, 000 katao ang makikiisa sa kapistahan lalo na sa libreng concert ng dating band vocalist at rakistang si Bamboo.
Maliban dito, araw-araw rin aniyang may special guests sa iba’t ibang events hanggang sa pagtatapos ng buwan.
Nilinaw naman ng alkalde na half-day lamang ang pasok ng mga opisyal sa City Hall bukas habang may transaksyon pa sa umaga.
Lalahukan rin ng nasa 20, 000 katao ang isasagawang grand parade sa hapon na kinabibilangan ng mga eskwelahan, barangay maging ng mga private stakeholders.
Hinikayat naman ng opisyal ang pakikiisa ng mga pribadong negosyo sa aktibidad maging ng mga national government agencies.
Samantala, tiniyak ng alkalde ang mahigpit na pagbabantay sa seguridad kung saan pinaaalerto na rin ang Incident Command System.