Binubusisi ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang proposal na i-ban sa anumang promosyon ng mga pulis na masasangkot sa katiwalian.
Kung mangyayari ito, tatagal ng limang taon bago mabigyan ng promosyon ang sinuman sa PNP na may derogatory record.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, sa ilalim kasi ng Republic Act 9708, hindi maaaring ma-promote ang isang pulis kung may kinahaharap itong kaso at dinirinig ito sa loob ng dalawang taon.
Pero kung sakaling maaprubahan ang bagong panuntunan, madaragdagan ng tatlong taon ang kailangang hintayin ng mga tiwaling pulis bago makakuha ng promosyon, dahil kailangan muna nilang malusutan ang kanilang kasong kinakaharap.
Gayunman, kung nauna ang promosyon at kalaunan ay nahatulan ng korte, maaari itong bawiin at madaragdagan pa ng mga kaukulang kaparusahan ang ipapataw sa kanya.