-- Advertisements --
PDuterte 1

Suportado ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naging banat ng Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Facebook.

Magugunitang sa pahayag ng Pangulo kinuwestyon nito ang silbi ng Facebook sa bansa kung hindi magagamit ng gobyerno ang kanilang social media platform para isulong ang kabutihan ng mamamayan.

Ayon kay AFP spokesperson M/Gen. Edgard Arevalo, itinuturing nila ang FB at iba pang social media platforms bilang paraan para magpakalat ng makatotohanang impormasyon para mamulat ang sambayanan sa panlilinlang ng CPP-NPA.

Makakatulong aniya ang social media upang mapagkaisa ang sambayanan sa likod ng AFP kontra sa mga kalaban ng estado.

Sinabi ni Arevalo na suportado nila ang panawagan ng Pangulo na mag-usap ang pamahalaan at Facebook executives kung paano makakabenepisyo ang mga Pilipino sa popularidad ng social media giant.

Una nang nakipag-usap si AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay sa mga opisyal ng Facebook Philippines para ibalik ang site ng “Hands off our Children,” pero sinabi ng mga ito na walang proseso para ibalik ang mga sites na ipinasara nila.

Ang “Hands off our Children” na nagtatampok sa mga lehitimong karanasan ng mga magulang na may mga nawawalang anak matapos na mahikayat ng NPA na mamundok, ay isa sa mahigit 150 sites na ipinasara ng Facebook dahil umano sa “coordinated inauthentic behavior.”