CENTRAL MINDANAO – Dineklarang persona non grata ng lokal na pamahalaan at pulisya ng Columbio, Sultan Kudarat ang New People’s Army (NPA).
Sinunog din ng mga opisyal at kapulisan ang watawat ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa harap ng municipal hall sa bayan ng Columbio kasabay ng isinagawang flag ceremony.
Galit na kinondena ng mga residente ng Columbio, mga lokal na opisyal ng bayan kasama ang pulisya at militar ang karahasang gawa ng mga rebelde.
Hindi na rin nagustuhan ng mamamayan ang idolohiyang pinaglalaban ng mga NPA.
Marami nang nagrereklamo sa sobra-sobrang panghihingi raw ng revolutionary tax ng mga rebelde na animo’y pinagnanakawan na ang mga sibilyan.
Napag-alaman na una nang inaprubahan ng mga miyembro ng sangguniang bayan (SB) ng Columbio ang Resolution No. 2019-43 na nagdedeklara na persona non grata ang grupo ng mga kumunista.
Ang bayan ng Columbio ang isa sa mga lugar na kilala na may presensya ng mga NPA sa hangganan ng North Cotabato, South Cotabato, Maguindanao at Davao Del Sur.
Sa ngayon ay nagdagdag pa ng pwersa ng pulisya at militar sa bayan ng Columbio sa posibleng sorpresang pananalakay ng mga NPA.