-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Muling nagkasubukan ng kanilang angking leadership skills ang dalawang tumatayong general managers ng Cagayan de Oro City Water District (COWD) sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Kaugnay ito sa pagpupumilit makabalik ng temporary set aside board of directors ng tanggapan dahil kinu-kuwestiyon ang legal order mula sa Local Water Utilities Administration (LWUA) na nagbigay anim na buwan na panibagong pamamahala kay interim COWD General Manager Fermin Jarales epektibo nitong buwan hanggang Agosto 2025.

Sinabi ni sa Bombo Radyo ni Jarales na hangga’t pinakatiwalaan sila ng LWUA na kumikilos alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ay magta-trabaho ito kasama ang interim board of directors upang lutasin ang umano’y water crisis sa distrito uno ng lungsod.

Samantala,pinanindigan naman ni acting COWD General Manager Engr Edna Najeal na sila ang nararapat na sundin sa lahat ng internal affairs ng tanggapan.

Ito’y sapagkat nabigo sa pangatlong pagkakataon ang grupo ng interim mngt na ipakita ang black and white orders mula LWUA na talagang pag-uutos ni Marcos ang COWD full intervention na nangyari simula noong Mayo 2024.

Sinabi nito na ilegal ang pagkatalaga sa grupo ni Jarales at labag sa Presidential Decree 198 ang ginawa ng LWUA na isalalim sila sa kontrol na walang matibay na basehan.

Nag-uugat ang pag-takeover ng LWUA sa COWD dahil umayaw sila na bayaran ang siningil na higit P400 million na outstanding financial obligation sa pinasok na kontratang pag-suplay ng tubig sa pagitan ng kompanyang Metro Pacific Water at Cagayan de Oro Bulk Water Incorporated (COBI) simula noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.