-- Advertisements --
250px Ph locator maguindanao sultan kudarat

(Update) CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa apat ang nasawi at isa ang missing sa salpukan ng dalawang motorized bangka sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang mga namatay na sina Omar Ugak, Johaina Salem, Ustadz Elme Nurodin at ang boat driver na si Pudi Giadel.

Hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin ang isa pang biktima na si Sidik Esmael.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na 10 ang sakay ng isang bangka na mga residente ng Barangay Katidtuan, Sultan Kudarat, Maguindanao na nanggaling sa Cotabato City Port.

Ang pangalawang bangka naman ay may lulang tatlong katao na mula sa Barangay Maydapa, Sultan Kudarat.

Pagsapit umano sa Brgy Bulibod, Sultan Kudarat at sa hangganan ng Bucana area sa Cotabato City ay doon na nagsalpukan ang dalawang bangka hanggang sa tumaob.

Dahil sa lakas ng banggaan tumilapon ang mga sakay sa Rio Grande de Mindanao na nagresulta sa pagkasawi ng mga biktima habang ang iba ay nakaligtas.

Samantala, pinaiimbestigahan kaagad ni Sultan Kudarat Mayor Shameem Biruar Mastura sa mga otoridad ang banggaan at agad din itong nagpaabot ng tulong sa pamilya ng mga nasawi.