Iniimbestigahan na ngayon ng Philippine Coast Guard ang nangyaring banggaan ng isang passenger vessel at isang barge sa katubigang sakop ng Barangay San Agapito, Isla Verde, Batangas noong Martes, Abril 2, 2024.
Ito ay matapos na ipag-utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagkakasa ng imbestigasyon ukol dito upang alamin ang naging sanhi sa naturang insidente.
Sa ulat, hinahatak ng Motor Tug Migi ang Barge Krizza Rica na may lulan na 17 tripulante at kargang 300 sako ng semento mula sa Calaca, Balayan, Batangas at patungo sana sa Semirara Island, Caluya, Antique nang mangyari ang insidente.
Habang 47 tripulante at 41 pasahero naman ang lulan ng MV Fastcat M19 na nagmula sa Batangas Port at patungo sana sa Calapan Port sa Oriental Mindoro.
Dahil sa nangyaring banggaan ay nagtamo ng malaking pinsala ang MV Fastcat M19 sa third deck passenger deck starboard quarter nito, habang ang Barge Krizza Rica naman ay nagtamo ng mga gasgas sa bahagi ng port bow nito.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, isa sa mga pasaherong lulan ng passenger vessel ay nagtamo ng laceration sa upper right eye nito habang nagtamo rin ito ng pasa sa kaniyang upper right lip.
Agad na nirespondehan ng mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station Calapan ang naturang insidente matapos na matanggap ang report mula sa Vessel Traffic Management System sa Batangas.
Kasunod nito ay nagsagawa rin ng initial inquiry ang PCG Station Oriental Mindoro, CG Sub-Station Calapan, at Maritime Safety Services UNIT-Southern Tagalog at nagsagawa rin ang mga ito ng pag-iinspeksyon sa mga pinsala ng dalawang sasakyan pandagat.
Wala namang namonitor na pagtagas ng langis mula sa naturang mga barko habang agad din nilapatan ng paunang-lunas at dinala sa pagamutan ang mga napinsilang biktima.