KALIBO, Aklan—Patay ang isang motorcycle rider at ang backrider nito makaraang bumangga sa van sa Barangay Feliciano, Balete, Aklan.
Ayon kay P/Chief Master Sargent Jerick Dadivas ng Balete Police Station, papauwi na sana ang mga biktimang sina Marold Dela Vega, 22, sakay ng minamanehong motorsiklo at ang backrider nito na si Jemar Elias, 23, kapwa residente ng Barangay Cortes sa nasabing bayan mula sa Barangay Alas-as, Madalag sa bisperas ng kapiyestahan sa lugar nang mangyari ang aksidente.
Dagdag pa nito, nang paliko sila sa pakurbang daan ay sinasabing inagaw ang kanilang linya ng biglang sumulpot na van na minamaneho ni Norie Gregorio, 49, at residente ng Barangay Magpag-ong, Batan na papunta naman sa kabilang direksyon.
Kapwa mabilis ang takbo ng dalawang sasakyan at dahil sa malakas na impact ay tumilapon ang mga biktima na sakay ng motorsiklo.
Nadala pa si Dela Vega sa isang pribadong ospital ngunit namatay rin ito dahil sa malubhang sugat sa ulo at katawan habang ang backrider nito na si Elias ay dineklarang dead-on-arrival sa provincial hospital.
Samantala, boluntaryong sumuko ang driver na maaaring mahaharap sa kasong 2 counts ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to property habang nakakulong sa detention cell ng Balete PNP.