-- Advertisements --
image 444

Inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na ang pagbangga kamakailan ng mga barkong Filipino at Chinese sa Ayungin Shoal ay maaaring mag-imbita ng mas maraming bansa na lumahok sa joint patrol operations sa West Philippine Sea (WPS).

Ilang bansa ang nagpahayag ng interes sa pagsasagawa ng mga coordinated patrol sa WPS kabilang ang United States at Australia.

Aniya, naniniwala ang kanilang departamento na mag-iimbita ito ng mas maraming bansa na may interes sa kalayaan sa paglalayag na lumahok hindi lamang sa magkasanib na pagsasanay kundi sa iba pang pakikipag-ugnayan sa seguridad sa Pilipinas.

Bukod sa joint patrol, binanggit ni Teodoro na ang iba pang posibleng pakikipag-ugnayan ay maaaring kabilangan ng pag-upgrade ng kakayahan at iba pang mga kasunduan sa kooperasyon ng militar at pagtatanggol sa bansang nasasakupan.

Matatandaang muling itinulak ng international think tank na Stratbase ADR Institute ang pagsasagawa ng joint patrol operations sa WPS kasama ang ibang mga bansa matapos ang banggaan ng mga China at Ph vessel sa Ayungin Shoal.

Sa ngayon, isang diplomatic protest na ang inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China dahil sa panibagong insidente ng banggaan.