-- Advertisements --

Hanggang sa ngayon umiiwas pa ring magbigay ng kanyang prediksiyon si Manny Pacquiao kung anong round niya tatalunin ang reigning WBA welterweight champion na si Yordenis Ugas.

Binigyang diin ni Pacquiao na hindi niya minamaliit si Ugas, 35, dahil meron itong gustong patunayan.

Gayunman kung may tiyansa umano na makasilip ay pipilitin niyang patulugin ito sa lona.

Aminado ang fighting senator na ito ang gusto ng kanyang mga fans na i-knockout ang kalaban.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Pacquiao sa pamamagitan ng Bombo international correspondent mula Las Vegas na si Dr. John Melo, tiniyak ni Pacman na hindi pa rin nawawala ang kanyang bangis sa itaas ng ring.

Ito ay sa kabila na wala na siyang dapat pang patunayan sa mundo ng boxing.

Siniguro rin ng 42-anyos na nag-iisang eigth division world champion na gutom pa rin siyang manalo para makuha muli ang korona na dapat sana ay sa kanya.

Ginawa ni Pacquiao ang pagsagot dahil sa pananaw ng ilan ay may edad na siya at dapat na magretiro na lamang.