-- Advertisements --

Nasama sa sunog na sumiklab sa Cuyegkeng St. Barangay 1 at 2, Zone 1, Pasay City ang isang bangkay na nakaburol sa bahay kung saan nangyari ang insidente.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo ni Joel Savares, chairman ng Barangay 2, isa sa mga barangay na nakakasakop sa lugar na pinangyarihan ng fire incident.

Ayon sa kapitan ng barangay, hindi na nila nabuhat ang kabaong dahil na rin sa biglang paglaki ng apoy.

Kaugnay nito, may isang bata pa ang pinaghahanap dahil nawala ito sa kasagsagan ng pangyayari.

Dagdag pa ng kapitan na nahirapan silang kumontak ng reresponde sa sunog dahil mga operators lamang ang sumasagot sa mga tawag nila sa 911.

Tinatayang umabot sa halos 20 na bahay sa naturang residential area ang natupok sa sunog.

Patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga nasamang barangay sa sunog para alamin ang pinsalang naidulot ng insidente.