(Update) ‘All accounted’ na ang lahat ng mga pasahero sa nahulog na bus sa national highway ng Patrick Bridge, Sitio Yapang, Brgy. Batong Buhay, Sablayan, Occidental Mindoro.
Nasa 19 ang kumpirmadong patay, habang 21 ang sugatan kung saan 19 dito lalaki at 21 ang babae.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Occidental Mindoro provincial director S/Supt. Romie Estepa, kaniyang sinabi na nakikipag-ugnayan na sila sa mga kamag-anak ng mga nasawi at sugatan na mga pasahero para ipaalam ang aksidente.
Ito aniya ang dahilan kaya hindi kaagad nila naisapubliko ang mga pangalan ng mga biktima.
Aniya, lahat ng mga pasahero ay mula sa Occidental Mindoro at patungo ang mga ito sa Metro Manila.
Ayon pa kay Estepa, kabilang ang driver ng bus na nakilala lamang sa pangalan na Panganiban ang nasawi at maging ang konduktor nito.
Sa ngayon, tinutukoy na ng PNP kung ano ang tunay na dahilan ng trahedya o kaya kung nagkaroon ng human o mechanical error.
Pero sa inisyal na impormasyon “na-lost control” daw ang driver sa bus (TYU708, body number 7805) at nahulog ito malapit sa tulay kung saan tinatayang nasa 15 hanggang 20 meters ang kinabagsakan ng sasakyan.
Meron din umanong blind curve sa lugar at dinaanan ang rough road o mga graba.
Una rito, binabanggit ng ilang local disaster officials na nawalan daw ng brake ang bus hanggang sa mahulog sa bangin.
Iniulat naman ni Col. Estepa na mula pa kagabi ay nagtulong tulong ang mga pulis, sundalo, local disaster management unit at iba pa sa isinagawang search and rescue operations.
Samantala, ayon naman kay P/Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng PRO-4 B, nilalapatan na ng lunas sa Occidental Mindoro ang 21 mga sugatan.