-- Advertisements --
Screenshot 2021 05 08 12 20 04

BAGUIO CITY – Patuloy pa rin ang malalimang imbestigasyon ng kapulisan kaugnay sa pagkakatagpo ng dalawang bangkay ng parehong estudyante sa isang pasture land sa boundary ng Conner, Apayao at Tuao, Cagayan kahapon.

Nakilala ang mga itong sina Justin Gracia, 15, residente ng Nambaran, Tabuk City, Kalinga at Jessie James Ola-ao, 21, residente ng Dagupan West, Tabuk City, Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Lt. Carolyn Domyong, Officer-in-Charge ng Conner Municipal Police Station na nagja-jogging ang mga kasamahan nilang pulis nang makita ng mga ito ang mga marka ng dugo sa kalsada na kanilang sinundan hanggang sa matagpuan nila ang dalawang bangkay.

Pareho aniyang nakatali ang kamay ng dalawa sa pamamagitan ng duct tape at nabalot ang ulo ng mga ito ng garbage bags.

Sa pagproseso ng mga personnel ng PNP Crime Lab sa mga bangkay, nadiskobre na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo si Gracia habang nagtamo naman ng anim na tama ng bala ng baril sa ulo si Ola-ao.

Batay sa imbestigasyon, nagpaalam si Gracia sa kanyang ina noong May 6 para dumalo sa isang kasal sa kanilang kalapit-bayan kasama si Ola-ao hanggang sa hindi na ito nakauwi.

Nakipag-ugnayan na ang Connor Municipal Police Station sa Kalinga Police Provincial Office para sa mas malalim na imbestigasyon sa insidente habang iniuwina at pinaglalamayan na ngayon sa kani-kaniyang tahanan ang mga biktima.