ROXAS CITY – Dumating na sa lalawigan ng Capiz ang bangkay ng dalawang pulis na kabilang sa apat na namatay sa pagkahulog ng 6×6 truck ng Philippine National Police sa Barangay Ginomoy, Alimodian, Iloilo.
Nakalagak na ngayon sa tahanan ng pamilya Tumanday ang bangkay ni Patrolman Antonio Tumanday Jr., 31.
Ayon kay Antonio Tumanday Sr., ama ni Patrolman Tumanday, hindi nila inaasahang bangkay na na makakauwi sa kanilang bahay ang kaniyang anak.
Inihayag nito na marami pa sanang plano ang namatay na si Tumanday lalo na’t mayroon itong tatlong taong gulang na anak at nagtatrabaho ang kaniyang partner sa Kuwait.
Inilarawan naman ng ina na si Gemma Tumanday ang kaniyang anak na mabait, matalino at maraming hangarin sa buhay.
Maliban kay Patrolman Tumanday, kabilang sa namatay sa naturang aksidente ay sina Patrolman Rex Agupitan ng bayan ng Panay, Capiz, Corporal Emerson Peñarubia at Patrolman Prince Angelo Supiter.
Nabatid na dumating na rin sa lalawigan ang bangkay ni Patrolman Agupitan at dinala sa bayan ng Dao.