(Update) BACOLOD CITY — Nakita na ang lahat ng mga bangkay ng tatlong magkakaibigan na nalunod sa Himogaan River sa Barangay Paraiso, Sagay City, Negros Occidental kahapon ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Punong Barangay Pepito Flores ng Barangay Paraiso, naretrieve ang bangkay ng 21-anyos na Criminology student na si Edwin Hipolito, pasado alas-7:00 ng umaga.
Ilang minuto ang nakalipas, naretrieve na rin ng rescue teams ang bangkay ni Sandry Doregnel, 38 anyos.
Ang mga bangkay ayon sa punong barangay ay nakita malapit lamang sa lugar kung saan sila nalunod.
Nabatid na kahapon, narekober ng mga rescuers ang bangkay ng 52-anyos na si Jerry Magada.
Ayon sa barangay official, lima ang kabuuang nanisid ng kayog o isang uri ng shells nang malunod ang tatlo habang nakaligtas naman ang dalawa.
Dakong alas-2:00 ng hapon nang magyayaan ang magkakaibigan na manisid ng shells ngunit biglang lumakas ang agos ng tubig at nalunod ang mga biktima.