(Update) BACOLOD CITY – Na-retrieve na ang bangkay ng tatlong mga menor de edad na naanod sa Matab-ang River sa Talisay City, Negros Occidental nitong Miyerkules ng hapon.
Kahapon, natagpuan ng mga mangingisda ang katawan ng 15-anyos na si Janet Rodriguez ng Purok Santol, Brgy. Mandalagan, Bacolod City sa bunganga ng Matab-ang River sa Purok Tumpok, Barangay Zone 15, Talisay City.
Kaninang umaga naman, natagpuan ang bangkay ng 16-anyos na si Carl Gabriel Cabrillos sa dagat na sakop ng Purok Tumpok, Barangay Zone 15 sa nasabing lungsod.
Ayon sa ama ni Cabrillos na si Romy, tuloy pa rin ang kanilang pagdidiwang ng kaarawan ng kanyang binatang anak bukas.
Bago naman ang alas-3:00 kaninang hapon, natagpuan din ang bangkay ng 15-anyos na si Jaren Pahilagao ng Purok Santol, Barangay Mandalagan, Bacolod City.
Ayon sa Talisay City Police Station, isang construction worker ang nakakita sa bangkay ni Pahilagao sa bahagi ng Matab-ang River na sakop ng Hacienda Jose Maria, Barangay Zone 15, Talisay City.
Nanawagan naman ang Talisay City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga kabataan na huwag maligo sa ilog kapag umuulan.