TUGUEGARAO CITY- Inaasahang maibababa na bukas, araw ng Linggo sa town proper ng Divilacan, Isabela ang mga labi ng 6 na pasahero ng Cessna plane na bumagsak sa Sierra Madre Mountain Range na bahagi ng Brgy Ditarum.
Ayon kay Engr Exiquiel Chavez, head ng MDRRMO Divilacan na nagbago ng ruta ang limampung miyembro ng retrieval team sa pagbaba sa mga bangkay dahil nahirapan ang mga ito sa pag-akyat sa bundok at pagtawid sa ilog bago nakarating sa crash site nitong Sabado ng umaga.
Matatandaang ang terrain din ng lugar ang isa sa mga itinuturo ng mga rescuer na dahilan kung bakit nahirapan silang hanapin ang eroplano kung saan nauna na rin sinubukang puntahan ang lugar subalit nagkasakit ang mga ito dahil sa lamig kaya ipinagpaliban noon ang pagpunta sa naturang lugar.
Ang grupo ay sasalubungin ng labin-limang iba pa na ipinadala ng MDRRMO-Divilacan na magsisilbing relyebo sa pagbubuhat ng mga bangkay patungo sa town proper bago ito ibiyahe sa Cauayan City.
Inihayag ni Chavez na bigong mahanap ang ulo ng isa sa 6 na pasahero ng aircraft na humiwalay sa kanyang katawan habang nilagyan ng kimikal na pang-preserba ang bawat bangkay bago isinilid sa cadaver bag.
Samantala, kinumpirma ni Chavez na susunod na pupunta sa crash site ang investigator ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa isasagawang imbestigasyon sa wreckage ng eroplano na natagpuang hiwa-hiwalay.
Aniya, kabilang sa nais matukoy sa imbestigasyon kung masamang panahon ba ang naging dulot ng pagbagsak o ang pagkasira ng makina ng eroplano.