Nadiskubre ang isang patay na balyena sa karagatang sakop ng Banacon Island, Getafe, Bohol.
Ang naturang insidente ay kinumpirma na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Central Visayas (BFAR-7).
Ayon sa ahensya, ang patay na Sperm Whale ay may habang 14.40 metro at natukoy na palutang lutang sa naturang isla noong December 16.
Batay sa inisyal na pagsusuri ng mga tauhan ng Provincial Fishery Office – Bohol, Bohol Provincial Environment Management Office (BPEMO), DENR kasama ang LGU Getafe, natuklasan na mayroon itong malaking sugat sa mga bahagi ng tiyan.
Paliwanag ng ahensya na maaaring nakuha nito ang sugat matapos na mamatay at hindi ito itinuturing na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Pinayunahan naman ng BFAR ang publiko na iwasan at huwag nang lumapit sa balyena para sa kanilang kaligtasan.
May epekto kasi ito sa kalusugan ng tao lalo na’t ito ay nabubulok na.
Ang bankay nito ay maaaring nagtataglay ng mga bacteria ta parasite.