-- Advertisements --
Albendazole purga

BUTUAN CITY – Nakatakdang magpalabas ng official statement ang Department of Health (DOH)-Caraga hinggil sa dahilan ng pagkamatay ng isang Grade 3 pupil ng San Isidro Elementary School sa Gigaquit, Surigao del Norte, matapos uminom ng Albendazole.

Ito’y matapos na isinailalim na sa otopsiya ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operative–Caraga ang bangkay ng biktimang kinilalang si Rheame Ata, siyam na taong gulang.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni DOH-Caraga regional director Dr. Jose Llacuna Jr., na nagsagawa na ng Parents-Teacher Association meeting ang nasabing paaralan upang personal na mapaabot sa mga magulang na ang resulta ng otopsiya ang kanilang magiging basehan sa ipapalabas nilang statement.

Napag-alamang base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, ilang oras lang matapos uminom ng nasabing pangpurga ang mga bata na bigay ng mga health personnel, ay bigla na lang nagreklamo sa pananakit ng kanyang tiyan si Ata na sinundan ng unti-unting pagkawala ng kanyang paningin hanggang sa natumba na ito.

Kaagad naman itong dinala sa Gigaquit Municipal Hospital ngunit dahil malubha ang kalagayan ay ini-refer ito sa provincial hospital at doon na namatay.

Sinasabing may dalawang iba pang mga batang naospital doon matapos ding uminom ng Albendazole.

Nilinaw naman ni Dr. Llacuna na Abril 2021 pa ang expiration date ng gamot na dinala na sa Food and Drugs Administration sa Davao City para sa tamang eksaminasyon.