-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakilala na ang natagpuang bangkay ng lalaki sa barangay Batal, Santiago City

Natukoy ang pagkakilanlan ng natagpuang bangkay ng lalaki sa Brgy. Batal Santiago City matapos kumpirmahin ito ng kanyang kaanak nang magtungo sa himpilan ng pulisya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Captain Romel Cansejo, hepe ng Station 1 ng Santiago City Police Office na matapos silang maglabas ng flash alert sa mga kalapit na himpilan ng pulisya ay nagtungo ang ilang pamilya na naghahanap ng kanilang mga nawawalang kaanak.

Nagtungo sa himpilan ng pulisya si Judith Salvador, 23 anyos at kinumpirma nito na ang bangkay na natagpuan ay ang kapatid niya sa ina na si Jireh Baniel, 19 anyos, binata, isang vendor na residente ng Malvar , Santiago City.

Kinumpirma ang pagkakilanlan ng nasabing bangkay batay sa Blue Shorts na may markang number 2 na suot nito.

Huling nakita ang binata nang madaling araw bago ang libing ng kanilang lolo noong July 10, 2020.

Magugunitang nauna nang naiulat ang pagkakatagpo ng bangkay ng biktima na palutang lutang sa irrigation canal sa national highway barangay Batal, Santiago City.