-- Advertisements --

Natukoy na ng militar ang pagkakakilanlan nang bangkay ng isang Indonesian kidnap victim na narekober ng mga tropa ng 45th Infantry Battalion sa Patikul, Sulu nuong Sept. 29.

Ito ay matapos isailalim sa validation ng PNP SOCO sa Zamboanga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay JTF Sulu spokesperson Lt. Col. Ronaldo Mateo, nakilala ang namatay na kidnap victim na nakilala na si La Aba, 35.

Siya ay kabilang sa limang Indonesian hostages na dinukot ng teroristang Abu Sayyaf sa karagatan ng Sabah nuong buwan ng January.

Batay sa medical records hindi nagtamo ng gunshot wound sa katawanang bihag pero nagkaroon ito ng mga gasgas sa kaniyang ulo.

Sa ngayon hindi pa matukoy kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay ni Aba na isang lalaki.

Pero ayon kay Mateo, posibleng inatake sa puso ang kidnap victim dahilan para siya ay inabandona.

Positibo ring kinilala ang bangkay ni La Aba ng Indonesian Army at police attaches.

Pinalakas pa ng Joint Task Force Sulu ang kanilang combat operations para ma-rescue ang apat pang banyagang bihag na hawak ng teroristang grupo.

Inihayag pa ni Mateo dahil sa serye ng operasyon ng militar mas lalo pang humihina ang pwersa ng teroristang grupo dahil sa mga tinamong heavy casualties sa mga labanan.

Siniguro naman ni JTF Sulu commander B/Gen. William Gonzales na ang safety ng mga kidnap victims ang kanilang prayoridad sa kanilang mga isinasagawang operasyon.

Sa ngayon patuloy ang pagtugis ng militar sa grupo ni ASG leader Mundi Sawadjaan na siyang nasa likod sa Jolo suicide bombing.

Bukod sa combat operations, pinaigting din ng militar sa Sulu ang kanilang civil military operations lalo na sa pakikipag-ugnayan sa mga local government officials.