-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Natagpuan na ang bangkay ng isa sa dalawang nalunod sa ilog na bahagi ng Brgy. Fugu Abajo, Tumauini, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Eric Domingo, team leader ng Bagong Pag-asa Rescue Group ng Tumauini, natagpuan ang bangkay ng isa sa dalawang nalunod na si Peter Baguno, 42, binata, laborer at residente ng Cañogan, Sto. Tomas, Isabela.

Natagpuan ang bangkay ng Baguno sa ilog na nasasakupan ng Cabagan, Isabela.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang paghahanap sa katawan ng isa pang biktima na si Jayson Buraga, 11, Grade-6 student at residente ng Fermeldy, Tumauini, Isabela.

Nauna rito ay nagtungo sa ilog ang mga biktima para mag-picnic dahil may birthday.

Aniya, unang nalunod ang batang lalaki na si Buraga at sinubukan siyang sagipin ni Baguno subalit parehas silang lumubog dahil sa lakas ng agos ng tubig.

Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng search and rescue operations katuwang ang Rescue 811 ng Tumauini, Isabela at ibang grupo sa katawan ng biktimang si Jayson Buraga.