-- Advertisements --

Wala pa ring pamilya ang kumuha sa bangkay ng isang lalaki na natagpuan sa liblib na lugar sa Purok 7 Barangay Gatungan, Bunawan, Davao City, kahapon, Pebrero 19, 2023.

Ayon kay Police Lt Dante Espejon ng Bunawan Police Station, nakipag-ugnayan na sila sa mga barangay officials at residente ng mga kalapit na barangay kung may mga pamilyang nawalan ng kamag-anak at maari silang magtungo sa Rivera Funeral Homes upang makita nila ang bangkay.

Dagdag pa ni Espejon, nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon para malaman kung sino ang mga suspek sa nabanggit na krimen kung saan pinaniniwalaang biktima ng salvage ang biktima.

Dagdag pa ni Espejon, pinaniniwalaang sa lugar na iyon inilibing ang biktima at pinatay sa ibang lugar.

Ayon sa pulisya, inaasahang kukunin din ng pamilya ang bangkay upang maisagawa ang autopsy at malaman ang sanhi ng pagkamatay.

Sinabi rin ng police official na ayon sa inisyal na imbestigasyon, walang nakitang kahit isang saksak o tama ng baril ang pulisya sa bangkay ng biktima.

Nabatid na nadiskubre ang bangkay ng biktima ng isang biker na iihi sana sa naturang lugar.

Pinaniniwalaang mabilis na inilibing ang bangkay ng biktima, ngunit dahil sa mababaw na paghuhukay ng lupa ay lumabas ang mga paa nito.

Sa naturang krimen, nakasuot ng black and white striped t-shirt at cargo shorts ang biktima at nasa 50 hanggang 55-anyos. Pinaniniwalaan na tatlo hanggang apat na araw nang napatay ang biktima dahil nasa advanced state of decomposition na ang bangkay nito.