ROXAS CITY – Natagpuan na ang bangkay ng isang lalaki na una nang naiulat na inanod ng baha sa ilog ng Barangay Old Guia at Brgy. New Guia, Maayon Capiz noong Disyembre 2.
Ito’y matapos ang anim na araw na paghahanap ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO-Maayon).
Kinilala ang biktima na si Cornillo Dapulasa, 50-anyos, residente ng Brgy. New Guia sa naturang bayan.
Nabatid na natagpuan na lamang ni Ricky Fabiano ang bangkay ng lalaki sa ilog ng Manlupa, Maayon, Capiz .
Tinatayang nasa 18 kilometro ang layo nito mula sa ilog sa pagitan ng Brgy. Old Guia at New Guia.
Nabatid na pauwi na sana ang biktima nang sinubukan nito na tumawid sa tulay sakay ng kaniyang tricycle sa kabila ng matiding pag-ulan at pag-apaw ng tubig sa tulay.
Huminto sa pag-andar ang minamaneho niyang tricyle sa kalagitnaan ng tulay bagay na humingi ito ng tulong sa isang tanod.
Kumuha naman ng lubid ang tanod pero sa pagbalik niya sa lugar ay wala na ang biktima kasama ang tricycle nito.